Kinder hanggang Grade
12 o K-12 ay isang malaking pagbabago sa kurikulum ng edukasyon simula noong
taong 2013. Ito ay naglalayon na ang mga bata ay nararapat na magsimula sa kinder,
anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school, at dalawang
taon sa senior high school. Ito’y nagnanais na maging produktibo at responsible
ang mga mag-aaral at maging handa sa hamon ng habangbuhay na pagkatuto at sa
kanilang pipiliing trabaho o career.
Sa kay raming inaasahang
layunin na matatamo ng mga mag-aaral pagkatapos ng K-12 na programa, hindi
naman mapagkakaila na hindi naman nagkatotoo o hindi naging isang katotohanan
sa mga mag-aaral ang mga layunin na nakasaad sa pagpapatupad ng programa.
Napaka raming bumatikos at mayroon din naming mga sumuporta.
May dalawang batch na
nga ng mga nakapagtapos ng K-12 na programa, at sa kasamaang palad ay kasama
ako sa unang batch na pinaglaruan ng programang K-12. Bilang biktima nito,
masasabi ko na hindi naman talaga naging epektibo ang naturang programa.
Nararapat lamang na ito’y ayusin, mas pag igtingin ang pag gawa ng programa o
kurikulum na ang laman ay sariling atin at magbibigay daan upang mag-alab ang
pagmamahal sa ating wika. Huwag na tayong maging anino ng programa ng ibang
bansa. Itigil na natin ang pangongopya ng mga programa. Magsimula na tayo na
gumawa ng orihinal at kabilang nga rito ay ang pagrerepaso ng K-12.
Bilang isang guro sa
hinaharap, ako’y nakikiusap sa mga taong nasa posisyon lalo na ang nasa
Kagawaran ng Edukasyon na gawin naman nila nang maayos ang kanilang mga
trabaho. Ang kinabukasan ng mga batang Pilipino ay nakasalalay sa kanila. At
nawa’y ito ay magsilbing leksyon sa kanila na bago gumawa ng pagbabago sa kurikulum
o sa kahit na anong programa ay nararapat na maging handa. Handa sa lahat ng
aspeto. Hindi dapat na basta natapos lamang ang lahat ng mga papeles ay maari
nang ituloy ito. Dapat isaalang alang ang dalawang mukha nito, kung ito nga ba
ay makakapagpaganda sa buhay ng mga mag-aaral na kinabukasan ng ating bansa o
lalo lamang magiging pabigat sa buhay ng mga kinabukasan ng bansa. Gawin naman
nilang mas maging kapaki pakinabang ang pag-aaral o pag-aaralan ng mga
estudyante. Humubog ng mga estudyante na magiging pag-asa n gating bansa, upang
tayo’y makaahon. Sana ay bigyang pansin ang kahalagahan ng agrikultura at an
gating sariling wika. Mas pagyamanin pa an gating mga rehiyunal na wika at
huwag tuluyan na kalimutan. At nawa na kung ano ang nakalagay na layunin ay talaga namang maramdaman o maranasan ng mga mag-aaral.
Itigil na natin ang kahibangan na ito, nararapat na tahiin muli ang programa. Hindi nararapat na maranasan ng mga bata at kabataang Pilipino ang hindi maayos at hindi handa na kurikulum. Maging bukas tayo sa pagbabago! Pagbabago para sa ikabubuti!