Wednesday, October 30, 2019

K-12: TAHIIN MULI!

https://mir-s3-cdn-cf.behance.net/project_modules/disp/886fa614221113.5627fa5d10387.png


Kinder hanggang Grade 12 o K-12 ay isang malaking pagbabago sa kurikulum ng edukasyon simula noong taong 2013. Ito ay naglalayon na ang mga bata ay nararapat na magsimula sa kinder, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school, at dalawang taon sa senior high school. Ito’y nagnanais na maging produktibo at responsible ang mga mag-aaral at maging handa sa hamon ng habangbuhay na pagkatuto at sa kanilang pipiliing trabaho o career.

Sa kay raming inaasahang layunin na matatamo ng mga mag-aaral pagkatapos ng K-12 na programa, hindi naman mapagkakaila na hindi naman nagkatotoo o hindi naging isang katotohanan sa mga mag-aaral ang mga layunin na nakasaad sa pagpapatupad ng programa. Napaka raming bumatikos at mayroon din naming mga sumuporta.

May dalawang batch na nga ng mga nakapagtapos ng K-12 na programa, at sa kasamaang palad ay kasama ako sa unang batch na pinaglaruan ng programang K-12. Bilang biktima nito, masasabi ko na hindi naman talaga naging epektibo ang naturang programa. Nararapat lamang na ito’y ayusin, mas pag igtingin ang pag gawa ng programa o kurikulum na ang laman ay sariling atin at magbibigay daan upang mag-alab ang pagmamahal sa ating wika. Huwag na tayong maging anino ng programa ng ibang bansa. Itigil na natin ang pangongopya ng mga programa. Magsimula na tayo na gumawa ng orihinal at kabilang nga rito ay ang pagrerepaso ng K-12.

Bilang isang guro sa hinaharap, ako’y nakikiusap sa mga taong nasa posisyon lalo na ang nasa Kagawaran ng Edukasyon na gawin naman nila nang maayos ang kanilang mga trabaho. Ang kinabukasan ng mga batang Pilipino ay nakasalalay sa kanila. At nawa’y ito ay magsilbing leksyon sa kanila na bago gumawa ng pagbabago sa kurikulum o sa kahit na anong programa ay nararapat na maging handa. Handa sa lahat ng aspeto. Hindi dapat na basta natapos lamang ang lahat ng mga papeles ay maari nang ituloy ito. Dapat isaalang alang ang dalawang mukha nito, kung ito nga ba ay makakapagpaganda sa buhay ng mga mag-aaral na kinabukasan ng ating bansa o lalo lamang magiging pabigat sa buhay ng mga kinabukasan ng bansa. Gawin naman nilang mas maging kapaki pakinabang ang pag-aaral o pag-aaralan ng mga estudyante. Humubog ng mga estudyante na magiging pag-asa n gating bansa, upang tayo’y makaahon. Sana ay bigyang pansin ang kahalagahan ng agrikultura at an gating sariling wika. Mas pagyamanin pa an gating mga rehiyunal na wika at huwag tuluyan na kalimutan. At nawa na kung ano ang nakalagay na layunin ay talaga namang maramdaman o maranasan ng mga mag-aaral. 

Itigil na natin ang kahibangan na ito, nararapat na tahiin muli ang programa. Hindi nararapat na maranasan ng mga bata at kabataang Pilipino ang hindi maayos at hindi handa na kurikulum. Maging bukas tayo sa pagbabago! Pagbabago para sa ikabubuti!